--Ads--

Sinimulan na ng ilang magsasaka sa Cauayan City ang maagang pagtatanim ng mais sa kabila ng pangambang maapektuhan ng inaasahang El Niño ang kanilang mga pananim sa mga susunod na buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joel Dela Cruz, isang magsasaka sa lungsod, sinabi nitong katatapos lamang nilang magtanim ng mais kahit batid nilang may malaking panganib na dulot ng posibleng matinding tagtuyot.

Inaasahan nilang sasabay sa panahon ng pamumulaklak ng kanilang mga pananim sa Enero ang posibleng paglala ng El Niño, na maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay ng tubig at pagkalugi sa kanilang puhunan.

Nasa isang ektarya ang kanilang taniman ng mais na nanganganib na maapektuhan kung hindi magiging sapat ang pag-ulan sa mga susunod na buwan.

--Ads--

Bilang alternatibong pagkukunan ng kabuhayan, nagtatanim din sila ng iba’t ibang gulay na kasalukuyan na nilang napapakinabangan habang hinihintay ang sapat na pag-ulan para sa kanilang pananim na mais.

Umaasa rin ang mga magsasaka na magkakaroon ng sapat na pag-ulan at maisasagawa ang cloud seeding operations upang makatulong sa mga lugar na posibleng makaranas ng matinding tagtuyot.

Kasabay nito, nananawagan si Dela Cruz sa pamahalaan na patuloy na suportahan ang mga magsasaka, lalo na ngayong nanganganib ang kanilang kabuhayan dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.

Sa kabila ng mga hamong dulot ng pabago-bagong kondisyon ng panahon, umaasa silang maisasalba ang kanilang mga pananim at maiiwasan ang pagkalugi.