--Ads--

Maagang naghahanda ang BJMP Cauayan City District Jail sa posibleng epekto ng El Niño, partikular sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng tubig at pagkain para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Warden Susan Encarnacion, sinabi nitong nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang agarang suporta sakaling magkaroon ng kakulangan sa pangunahing pangangailangan.

Kabilang sa kanilang mga katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Health Office at Cauayan Water District.

Bumuo na rin ang BJMP ng Oplan El Niño na magsisilbing gabay ng kanilang mga tauhan sa pagtugon sa posibleng epekto ng matinding init. Kasabay nito, binibigyan din ng impormasyon ang mga PDL upang maiwasan ang pag-aalala at mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

--Ads--

Ayon kay Encarnacion, sapat pa naman sa ngayon ang kanilang suplay ng tubig at pagkain, ngunit patuloy nilang pinaghahandaan ang posibleng pagbabago sa kondisyon ng panahon.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang paghahanda at pagtitipid sa paggamit ng tubig upang matiyak na matutugunan ang pangangailangan ng lahat ng nasa loob ng pasilidad.