Iniulat ng cybersecurity monitoring group na Deep Web Konek ang malawakang data breach na kinasasangkutan ng 23 lokal na institusyon, kabilang ang ilang pambansang ahensya ng pamahalaan, military, law enforcement, mga paaralan at pribadong kumpanya.
Batay sa kanilang intelligence assessment mula Nobyembre 5 hanggang 7, milyon-milyong personal at sensitibong rekord ang umano’y nakompromiso, kabilang ang government IDs, taxpayer information, payroll records at student profiles.
Kabilang sa mga nabanggit na ahensya ang Office of the Vice President, BIR, SEC, DOLE, DICT, Philippine Coast Guard at Land Transportation Office.
Naitala rin ang umano’y pag-access sa halos 19.2 milyong rekord ng DOLE, 19 milyong resident profiles mula sa DILG at Barangay Central Database, at mahigit 20.9 milyong shipment logs ng LBC Express.
Kabilang din sa mga apektadong institusyon ang ilang unibersidad at ang Philippine Air Force. Nagbabala ang grupo na maaaring magamit ang nakompromisong impormasyon sa phishing, text scams, identity theft at iba pang krimen.
Samantala, bineberipika pa ng mga nabanggit na institusyon ang lawak ng naiulat na data breach.











