--Ads--

Patay ang limang estudyanteng babae matapos mahulog sa isang malalim na pond ang sinasakyan nilang school bus sa lalawigan ng Kandal, Cambodia, nitong Martes ng umaga.

Batay sa ulat ng pulisya, sakay ng bus ang 26 na estudyanteng edad 12 hanggang 14 na patungo sana sa kanilang paaralan nang biglang may motorsiklong tumawid sa harapan ng mabilis na umaandar na sasakyan.

Dahil dito, biglang inapakan ng driver ang preno, dahilan upang mag-skid ang bus at tuluyang mahulog sa pond sa gilid ng kalsada, may 40 kilometro sa hilaga ng kabisera ng Phnom Penh.

Agad na rumesponde ang mga residente upang sagipin ang mga estudyante. Ilan sa mga nailigtas ay isinailalim pa sa cardiopulmonary resuscitation o CPR.

--Ads--

Kinumpirma ni Nov Sokhon, hepe ng traffic police sa Khsach Kandal district, na pagkalunod ang ikinasawi ng limang biktima. Tatlo pang estudyante ang nasa kritikal na kondisyon, habang 18 ang nagtamo ng minor injuries.

Samantala, inaresto at dinala sa kustodiya ng pulisya ang 31-anyos na driver para sa pagtatanong kaugnay ng insidente.