Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may mga tanong ang ilang senator-judge sa impeachment trial na hindi na umano direktang kaugnay sa mga pangunahing isyung tinatalakay ng Senate Impeachment Court.
Ayon kay Atty. Paolo Panelo, abogado ng bise presidente, hindi na mahalaga kung hindi maalala ng ilang testigo ang mga detalye ng mga pangyayaring naganap maraming taon na ang nakalipas dahil wala naman umano itong direktang kaugnayan sa kasong dinidinig.
Nilinaw din ni Panelo na hindi umano maituturing na double compensation ang salary differential na natanggap ni Duterte, kundi karagdagang bayad na nararapat sa kaniya bilang alkalde ng Davao City noong 2021 at 2022.
Binigyang-diin niya na ang pangunahing usapin sa impeachment case ay kung may mga ari-arian ang bise presidente na hindi isinama sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon pa kay Panelo, naipaliwanag na ng mga testigo ang naturang usapin at wala umanong naipakitang ebidensiya na may mga ari-ariang hindi idineklara si Duterte.
Dahil dito, hiniling ng abogado na ituon ng mga senador ang kanilang mga tanong sa mga isyung may direktang kaugnayan sa impeachment case upang maging maayos at makabuluhan ang pagdinig.











