Hiniling ni Senador Rodante Marcoleta at tatlo pa niyang kapwa akusado sa Sandiganbayan na ipabasura ang kinahaharap nilang kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara sa 75 milyong pisong donasyon na natanggap ng senador.
Ayon kay Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma nitong Miyerkoles, naghain na ang apat ng mosyon para makahiling ng pahintulot na magsumite ng demurrer to evidence.
Kabilang sa mga akusado sina dating kongresista Mike Defensor at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.
Sa pamamagitan ng naturang mosyon, hinihiling ng mga akusado na ibasura ang kaso dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya ng prosekusyon upang patunayan ang mga paratang laban sa kanila.
Inatasan naman ng korte ang prosekusyon na magsumite ng pinagsama-samang komento sa mga mosyon sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng abiso.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y 75 milyong pisong donasyon na natanggap ni Marcoleta noong kinakatawan pa niya ang SAGIP Party-list.
Inamin noon ni Marcoleta sa isang programa sa telebisyon na natanggap niya ang naturang halaga mula sa tatlo niyang kaibigan.
Batay sa mga alegasyon, nagbigay umano si Defensor ng 30 milyong piso, si Espiritu ng 25 milyong piso at si Viray ng 20 milyong piso.











