--Ads--

Isiniwalat ng isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang umano’y pagpasok ng 444 infrastructure projects na nagkakahalaga ng P27.4 bilyon sa 2025 national budget na iniuugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa bail hearing ni Romualdez sa Sandiganbayan Third Division nitong Lunes, inilahad ni DPWH Programming Division Chief Peter Paul Cortez na isinagawa umano ang mga insertion sa utos ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.

Kabilang din sa mga nakatalang proponents ng mga proyekto si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na nahaharap din sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya.

Kinuwestiyon naman ni Associate Justice Karl Miranda ang batayan ni Cortez sa pag-uugnay kina Romualdez at Co sa mga proyekto.

--Ads--

Paliwanag ni Cortez, nakatala ang kanilang mga pangalan sa DPWH database batay sa impormasyong ibinigay ni Cabral, na siyang nag-utos na ilagay ang mga ito sa records ng ahensya.

Kinumpirma rin ng opisyal na naisama ang mga kuwestiyonableng proyekto sa 2025 General Appropriations Act nang hindi dumaan sa regular na proseso ng DPWH.

Matatandaang nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.44-bilyong kickback scheme sa mga public works project. Ang pagdinig ay bahagi ng proseso sa kanyang aplikasyon para sa piyansa.