Tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating Senador Bong Revilla at ng kanyang mga kapwa akusado na humihiling na ipabasura ang kinakaharap nilang kasong malversation kaugnay ng umano’y 92.8 milyong pisong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, naghain si Revilla ng motion for leave to file a demurrer to evidence noong Oktubre 19.
Sa pamamagitan ng naturang mosyon, hinihiling ng akusado na ipabasura ang kaso dahil sa paniniwalang hindi sapat ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang patunayan ang kanyang pagkakasala.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Revilla sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan district engineers Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at Emelita Juat, gayundin ang mga tauhan ng ahensya na sina Juanito Mendoza at Christina Pineda.
Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 24, kung kailan sisimulan ng depensa ang presentasyon ng kanilang mga testigo.











