--Ads--

Walang pagmamay-aring shares si Vice President Sara Duterte sa Gencorp Industries, Inc., isa sa mga negosyong nakatala sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Ito ang inihayag ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, in-house counsel ng Gencorp Industries at Metro City Chow Foods Corporation, sa ika-42 araw ng impeachment proceedings laban sa Bise Presidente nitong Miyerkules.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Punay na hindi nakalista ang pangalan ni Duterte sa General Information Sheets ng Gencorp mula 2022 hanggang 2025.

Wala rin umanong bahagi o posisyon sa kumpanya ang Bise Presidente at hindi rin ito nakatanggap ng dividends dahil walang ipinamahaging kita ang korporasyon sa nasabing mga taon.

--Ads--

Gayunman, ipinakita sa 2024 at 2025 SALN ni Duterte na magkasama nilang inihain ng kanyang asawang si Manases Carpio ang Gencorp Industries bilang isa sa kanilang business interests.

Nakatala rin sa kanyang 2022 at 2023 SALN ang dating pangalan ng kumpanya na Timesquare Bee Foods Corporation.

Ang testimonya ni Punay ay iniharap ng kampo ng depensa bilang bahagi ng kanilang ebidensya sa impeachment proceedings.