Natuklasan ng Sandiganbayan na mahigit kalahati ng mga CCTV camera sa New Quezon City Jail sa Payatas ang hindi gumagana, habang walang operational camera na nakatutok sa selda ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Batay sa isinagawang inspeksiyon ng Sandiganbayan Third Division, 220 lamang sa kabuuang 450 CCTV cameras sa pasilidad ang gumagana.
Sa lugar naman kung saan nakapiit ang mga high-profile inmate, 28 lamang sa 152 CCTV cameras ang operational.
Dahil dito, hindi matiyak ng korte ang katotohanan sa pahayag ni Quezon City Jail Warden Supt. Maria Lourdes Pacion na hindi nakalalabas ng pasilidad si Romualdez nang walang pahintulot.
Gayunman, nilinaw ng korte na hindi ito nangangahulugang napatunayang palihim na nakalalabas ng kulungan ang dating House Speaker.
Napansin din ng korte ang mga kuha ng CCTV noong Oktubre 19 at 26, gayundin noong Nobyembre 2, kung saan makikitang may kasamang sibilyan si Romualdez, sa kabila ng pahayag ng jail warden na walang pinapayagang bisita tuwing Lunes.
Nabatid din na limitado ang storage capacity ng CCTV system na nagiging dahilan ng maagang pagbura sa mga naitalang video.











