Nagdulot ng mahigit isang oras na pagsisikip ng trapiko ang pagkalat ng mga kargang mantika at harina mula sa isang wing van truck matapos umanong mawalan ito ng preno habang binabaybay ang pababang bahagi ng national highway patungong Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Daryl Marquez, Chief of Police ng Diadi Municipal Police Station, sinabi nitong nawalan ng kontrol ang driver habang tinatahak ang isang kurbada, dahilan upang bumukas ang kaliwang bahagi ng cargo compartment at mahulog sa kalsada ang mga kargamento.
Dahil sa natapong mantika, naging madulas ang kalsada at hindi na makausad ang truck dahil patuloy lamang na umiikot ang mga gulong nito.
Naapektuhan ang northbound at southbound lanes habang nagsagawa ng clearing operations ang mga awtoridad katuwang ang Bureau of Fire Protection o BFP.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Samantala, kaugnay naman ng cargo bus na muntik nang mahulog sa bangin sa Barangay Balete, Diadi, nitong Linggo, Nobyembre 8, nilinaw ni PCapt. Marquez na wala silang natanggap na opisyal na ulat hinggil sa insidente.
Sa kumalat na video sa social media, makikitang gumewang-gewang ang bus bago napigilan ng mga steel railing sa gilid ng kalsada ang tuluyan nitong paghulog sa bangin.
Posible umanong nakaapekto sa insidente ang ambon at madulas na kalsada, bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon hinggil dito.
Dahil dito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at sa mga kalsadang may matatarik na bahagi at matatalim na kurbada.











