--Ads--

Kinuwestiyon ng Sandiganbayan ang pabago-bagong testimonya ng isang opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kaugnay ng pagpasok ng personal assistant ni dating House Speaker Martin Romualdez sa kulungan upang asikasuhin ang pangangailangan ng kongresista.

Sa pagdinig kaugnay ng petisyon para sa piyansa ni Romualdez, ipinakita ni BJMP Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion ang mga larawan ni Arvin de Guzman, personal assistant ng dating House Speaker, na pinayagang makapasok sa pasilidad upang asikasuhin ang pang-araw-araw nitong pangangailangan.

Inamin din ni Pacion na pinayagan si De Guzman na mag-set up ng CPAP machine ni Romualdez tuwing gabi.

Gayunman, napansin ng korte na taliwas ito sa nauna niyang testimonya na pinapayagan lamang makapasok si De Guzman sa pasilidad tuwing visiting hours, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

--Ads--

Dahil dito, kinuwestiyon ni Associate Justice Karl Miranda ang pabago-bagong sagot ni Pacion at iginiit na dapat nitong sabihin ang totoo at manatili sa iisang salaysay.

Binigyang-diin ng mahistrado na hindi dapat paulit-ulit na baguhin ng testigo ang kaniyang mga sagot at kailangang sabihin lamang kung ano ang tunay na nangyari.