--Ads--

Palalakasin ang Homegrown School Feeding Program sa Cauayan City sa pamamagitan ng Regenerative School Meals Initiative na naglalayong mapabuti ang kalidad at nutrisyon ng pagkaing inihahain sa mga mag-aaral habang nagbibigay ng karagdagang oportunidad sa mga lokal na magsasaka.

Ito ang naging sentro ng stakeholders’ meeting na dinaluhan ng mga katuwang na ahensiya, kooperatiba at iba pang stakeholders na kabilang sa implementasyon ng programa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Brenda Dimas, Programme Policy Officer for Agricultural Livelihoods ng United Nations World Food Programme (WFP), sinabi nitong katuwang nila sa inisyatiba ang International Institute of Rural Reconstruction, City Government of Cauayan, Schools Division Office of Cauayan at Cauayan North Central School.

Ayon kay Dimas, layunin ng inisyatiba na ipakilala ang regenerative agriculture practices sa mga lokal na magsasaka upang matiyak na ligtas, masustansiya at lokal na nagmumula ang mga gulay at iba pang produktong ginagamit sa school feeding.

--Ads--

Nilinaw niyang hindi ito bagong programa kundi pagpapahusay sa Homegrown School Feeding Program na ipinatutupad sa Cauayan mula pa noong 2023.

Nakatakda namang palawakin sa susunod na taon ang implementasyon nito, kabilang ang pagtatatag ng mga learning plot at paggamit sa pasilidad ng City Agriculture Office bilang propagation site para sa mga planting materials.

Pinag-aaralan din ang pagpapahusay sa school menus sa pamamagitan ng mas malawak na paggamit ng lokal na produkto upang masuportahan ang mga magsasaka at lokal na ekonomiya.

Giit ni Dimas, bukod sa pagtugon sa pangangailangan sa pagkain ng mga mag-aaral, nakatutulong din ang programa upang mas makapagpokus ang mga ito sa kanilang pag-aaral.