Nananawagan ngayon ng tulong at hustisya ang naulilang maybahay ng isa sa dalawang garbage collector na nasawi matapos araruhin ng isang van habang kasagsagan ng kanilang trabaho sa kahabaan ng National Highway, Barangay San Fermin, Cauayan City, pasado alas-9:30 kagabi, Nobyembre 12.
Patuloy pa rin ang matinding pagdadalamhati ng pamilya ng 49-anyos na biktimang si Reymundo Tuppil, residente ng Barangay Puroc, Luna, Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Janeth Tuppil, maybahay ng biktima, sinabi nito na hanggang sa ngayon ay wala pang nagaganap na anumang settlement at wala pa ring nakikipag-ugnayan o lumalapit sa kanila mula sa kampo ng driver ng van na nakabangga sa kanyang asawa.
Ikinuwento rin ni Ginang Janeth na matapos ang insidente ay nagkaroon pa sila ng pag-asa nang maisugod sa isang pribadong ospital sa Cauayan City ang kanyang mister.
Gayunman, dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos makaladkad at maipit sa likurang bahagi ng garbage truck, hindi na ito nakaligtas at tuluyang binawian ng buhay bandang alas-10:20 kagabi.
Hindi napigilan ng ginang na maging emosyonal habang inaalala ang kanyang mister na inilarawan niyang isang masipag at responsableng padre de pamilya na ginagawa ang lahat upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Masakit umano para sa kanya na tanggapin ang biglaang pagkawala ng asawa, lalo’t naiwan sa kanya ang responsibilidad na itaguyod ang kanilang apat na anak, dalawa sa mga ito ay kasalukuyang nag-aaral, kabilang ang kanilang bunsong malapit nang magtapos.
Samantala, batay sa paunang imbestigasyon ng Cauayan Component City Police Station, pansamantalang nakaparada sa gilid ng National Highway ang garbage dump truck na pagmamay-ari ng First Green Isabela Waste Management Inc. sa harapan ng isang establisimyento.
Nasa likurang bahagi ng truck ang dalawang biktima habang hinihintay ang mga basurang ilalabas ng establisimyento nang bigla silang araruhin ng isang van na binabagtas ang kaparehong direksyon.
Kapwa isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922 sa magkahiwalay na pagamutan ang dalawang biktima, subalit pareho ring idineklarang dead on arrival.
Samantala, kasalukuyan nang nakakulong at nasa kustodiya ng Cauayan Component City Police Station ang 38-anyos na driver ng van at residente ng Barangay Faustino, Cauayan City.
Nahaharap ito sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Damage to Property.
Nasa himpilan na rin ng pulisya ang dalawang sasakyang sangkot sa insidente para sa karagdagang imbestigasyon.











