Dalawang taon hindi maaaring magmaneho ang aktor na si Niño Muhlach matapos bawiin ng Land Transportation Office o LTO ang kaniyang driver’s license kaugnay ng vehicular accident sa Marcos Highway, Antipolo City noong Agosto 23.
Ayon sa LTO, napatunayang responsable si Muhlach sa paglabag sa reckless driving matapos mawalan ng kontrol sa sasakyan at bumangga sa tatlong establisyimento.
Lumabas din sa imbestigasyon at pagdinig na nakaranas siya ng matinding pagod bago ang aksidente.
Samantala, inamin naman ni Muhlach na siya ang may pananagutan sa insidente at sinabi niyang nakaidlip siya habang nagmamaneho dahil sa kaniyang nakakapagod na schedule.
Bago ang dalawang taong revocation, isinailalim muna siya ng LTO sa 90-day preventive suspension.











