--Ads--

Wala pang naitatalang gasolinahan sa lungsod ng Cauayan na lumalabag sa ipinatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo nitong Martes.

Ito ang tiniyak ni Public Order and Safety Division (POSD) Chief Pilarito Mallillin sa gitna ng mga sumbong ng ilang tricycle driver hinggil sa umano’y mga gasolinahang hindi agad nagpatupad ng pagbaba ng presyo ng gasolina.

Nakatanggap din ng mga ulat ang Bombo News Team mula sa ilang motorista na nakapansin ng pagkaubos ng suplay ng petrolyo sa ilang gasolinahan sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mallillin na araw-araw nilang minomonitor ang mga establisimyento upang matiyak ang pagsunod sa tamang presyo ng mga produktong petrolyo.

--Ads--

Ayon sa opisyal, mayroon nang nakatalagang special task force na tututok sa pagsunod ng mga gasolinahan sa mga itinakdang pagbabago sa presyo, matapos umanong magkaroon ng mga establisimyentong hindi sumusunod noong wala pang naitatatag na task force.

Dagdag pa niya, isasagawa rin ang regular na monitoring kada Martes alinsunod sa kautusang pirmado ni City Mayor J.C. D., upang maiwasan ang anumang iregularidad sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo.

Partikular na tinututukan ng lokal na pamahalaan ang posibleng hoarding o sadyang pagtatago ng suplay ng petrolyo sa halip na agad itong ibenta sa mga mamimili.

Binigyang-diin ni Mallillin na hindi palalampasin ng lokal na pamahalaan ang sinumang mapatutunayang lalabag sa mga itinakdang presyo, na maaari umanong humantong sa pagpapataw ng kaukulang hakbang, kabilang ang pagsasara ng operasyon ng negosyo.

Hinimok din nito ang lahat ng gasolinahan na sumunod sa bawat pagbabago sa presyo, pagtaas man o pagbaba, upang hindi makadagdag sa pasanin ng mga mamimili.

Samantala, hinihikayat ang publiko na agad iulat sa kinauukulan ang anumang napansing iregularidad sa pagbebenta ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.