Naniniwala ang transport group na PISTON na hindi pa rin sapat ang ipinatutupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo upang mabawi ang matinding epekto ng sunod-sunod na oil price hikes na naranasan ng mga tsuper at operator sa mga nakalipas na buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Mody Floranda, Chairman ng PISTON Group, sinabi nitong bagama’t may naitalang pagbaba sa presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo at may panibagong rollback na inaasahan sa darating na Martes, maliit pa rin ito kumpara sa kabuuang itinaas ng presyo ng petrolyo mula pa noong Mayo.
Ayon kay Floranda, umabot na sa halos P34 kada litro ang itinaas sa diesel at P29 kada litro naman sa gasolina at kerosene sa nakalipas na mga buwan, dahilan upang patuloy na mabawasan ang kita ng mga tsuper at operator.
Sinabi niya na malayo pa rin ang kasalukuyang rollback sa tunay na pangangailangan ng sektor ng transportasyon na matagal nang nahihirapan sa mataas na gastusin sa operasyon.
Kinuwestiyon din ni Floranda ang bisa ng fuel subsidy program ng pamahalaan dahil hindi umano lahat ng tsuper at operator ay nakatatanggap nito.
Aniya, mas napapakinabangan lamang ng mga kabilang sa mga kooperatiba ang naturang ayuda habang maraming indibidwal na tsuper ang hindi nabibigyan ng kaparehong benepisyo.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataon ding nahihirapan ang ilang tsuper na makakuha ng subsidiya at maging ng mga diskwento sa ilang gasolinahan dahil hindi sila kabilang sa mga kooperatiba o korporasyon.
Iginiit din ng opisyal na patuloy na nagpapahirap sa mga tsuper ang mga utang at iba pang obligasyong pinansyal, habang ang ilang kooperatiba ay naniningil umano ng mataas na halaga na hindi na kayang bayaran ng ilan.
Ayon kay Floranda, mas nakikinabang umano sa kasalukuyang sistema ang malalaking korporasyon at mga dayuhang kumpanya, habang patuloy na nahihirapan ang maliliit na operator at mga indibidwal na tsuper.
Dahil dito, nanawagan ang PISTON sa pamahalaan na magpatupad ng mas pangmatagalang solusyon upang matulungan ang sektor ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.










