--Ads--

Nasa 80 porsiyento na ang pagkakabuo sa panukalang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, subalit hindi ito tuluyang natapos sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Tess Lazaro, hindi na kinaya ng natitirang panahon ang pagkumpleto sa negosasyon dahil sa magkakaibang pananaw ng sampung bansang kasapi ng ASEAN at China hinggil sa mga probisyon ng kasunduan.

Sinabi ni Lazaro na kung nabigyan pa ng karagdagang lima hanggang anim na buwan ang negosasyon, posibleng natapos na ang kasunduan sa ilalim ng panunungkulan ng Pilipinas bilang ASEAN chair.

Gayunman, itinuring pa rin ng DFA na malaking tagumpay ang pag-abot sa 80 porsiyentong progreso, mula sa tinatayang 50 porsiyento bago pangasiwaan ng Pilipinas ang mga pag-uusap.

--Ads--

Inaasahang ipagpapatuloy ng Singapore, na papalit sa Pilipinas bilang ASEAN chair sa susunod na taon, ang mga natitirang pag-uusap upang tuluyang mabuo ang COC.

Layunin ng panukalang kasunduan na magtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang paglala ng mga sigalot sa South China Sea at mapigilan ang posibleng armadong komprontasyon sa rehiyon.

Nauna nang nagkasundo ang mga bansang kasapi ng ASEAN at China na sikaping tapusin ang COC pagsapit ng 2026. Nais din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makumpleto ang kasunduan sa panahon ng panunungkulan ng Pilipinas bilang ASEAN chair.