--Ads--

Arestado ang isang 34-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Ilagan Component City Police Station noong Nobyembre 14, 2026, sa Provincial Road, Sitio Ballacong, Purok 4, Barangay Malasin, Lungsod ng Ilagan, Isabela.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Iyyong,” isang welder, walang asawa, at residente ng Barangay San Placido, Roxas, Isabela. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit ng Ilagan CCPS sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.

Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.36 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na ₱2,448 sa isang pulis na nagsilbing poseur buyer kapalit ng ₱2,500.

--Ads--

Narekober din mula sa suspek ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1.70 gramo at may SDP na ₱11,560, kasama ang buy-bust money, ₱1,300 cash, isang coin purse, cellular phone, at Yamaha Mio Sporty motorcycle.

Sa kabuuan, umabot sa 2.06 gramo ang timbang ng hinihinalang shabu na nasamsam sa operasyon, na may pinagsamang SDP na ₱14,008.