Nagpahayag ng pagtutol ang ilang mga kabataan sa Cauayan City, Isabela sa planong pagtatayo ng Pax Silica Hub sa Pilipinas, sa isinagawang Isabela Youth Day of Action ngayong araw sa F.L. Dy Colisuem.
Ito ay dinaluhan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang organisasyon sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Earl Santiago, tagapagsalita ng League of Filipino Students ng Isabela State University Cauayan Campus, sinabi nitong bagama’t makakalikha ng maraming trabaho ang Pax Silica, hindi maikakaila na mas malaki ang mawawala sa mga Pilipino dahil sa mahigit isang libong hektaryang lupain na ipagkakaloob para sa naturang programa.
Malaking pasakit din ito para sa mga Pilipino dahil sa dami ng tubig na kakailangan upang masuportahan ang naturang hub.
Aniya, hindi nila gusto na mapunta sa Pax Silica ang tubig na para sana sa mga Pilipino gaya na lamang ng nangyayari ngayon sa Batam, Indonesia na nagkakaubusan na ng suplay ng tubig dahil sa dumaraming AI data center sa kanilang lugar.
Binigyang diin ni Santiago na bilang kabataan, kailangan nilang bumoses at lumaban para sa bayan.











