Tumindig ang isang miyembro ng Indigenous People (IP) community para sa mga katutubo na maaaring maapektuhan ng Pax Silica Hub na planong itayo sa Capas, Tarlac.
Isa sa mga nakilahok sa isinagawang Isabela Youth Day of Action sa Cauayan City ang Agta na si Dikoy Malakasta mula Palanan, Isabela na nagpahayag ng kanyang pangamba sa dagok na maaaring kaharapin ng mga IP members sa Tarlac na posibleng i-relocate upang bigyang-daan ang Pax Silica sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Malakasta, sinabi nitong kailangang pangalagaan ang karapatan ng mga katutubo na manatili sa lupang kanilang tinubuan.
Aniya, bilang isang Agta, masakit para sa kanya na makitang tila minamaliit ng pamahalaan ang mga kapwa niya katutubo sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila sa kanilang lupain para sa isang proyekto na tinututulan ng maraming Pilipino.
Bagama’t hindi umano naririnig ng marami ang kanilang sigaw sa pamamagitan ng rally, umaasa pa rin si Malakasta na sa pamamagitan nito ay maipararating sa mga kinauukulan ang kanilang hinaing na huwag ituloy ang Pax Silica sa bansa.
Nilinaw nito na mahalaga ang teknolohiya subalit kailangan ding suriin ng mabuti ng pamahalaan ang maaring maging epekto nito sa mga Pilipino.











