--Ads--

Hinikayat ng Civil Service Commission (CSC) ang mga interesadong aplikante na agad kumuha ng appointment slot para sa March 14, 2027 Civil Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT), kasunod ng pagsisimula ng tatlong araw na mobile application sa Cauayan City ngayong Nobyembre 17.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jennalyn Catchan, Human Resource Officer II ng CSC Isabela, sinabi nitong may 500 slots kada araw o kabuuang 1,500 slots na inilaan para sa mobile application sa Cauayan City.

Sa kasalukuyan, wala pang 1,900 slots ang natitira sa Cauayan City mula sa 4,875 target examinees. Samantala, sa San Mariano testing center, 214 na sa 300 slots ang nakuha na ng mga aplikante.

Kinakailangang hindi bababa sa 18 taong gulang ang aplikante at kumuha muna ng appointment sa pamamagitan ng eServe account bago magtungo sa application venue.

--Ads--

Maaaring maisumite ng aplikasyon sa F.L. Dy Coliseum sa Cauayan City o sa CSC Field Office sa Ciriaco.

Kabilang sa mga requirements ang accomplished CS Form No. 100, apat na magkakaparehong passport-size ID pictures na kuha sa loob ng tatlong buwan, at original at photocopy ng valid ID. Mayroon ding ₱500 examination fee.

Maaaring pumili ang mga aplikante sa Professional at Subprofessional Level. Hindi rin kinakailangang college graduate upang makakuha ng pagsusulit, basta’t natutugunan ang iba pang kwalipikasyon ng CSC.