--Ads--

Nagreklamo ang ilang estudyante sa Cauayan City sa umano’y sobrang paniningil ng ilang tricycle driver, kung saan umaabot sa ₱90 ang pamasahe kahit isang kilometro lamang ang layo ng kanilang biyahe pauwi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Julia Cuntapay, third year nursing student mula sa isang pribadong paaralan sa lungsod, ibinahagi nitong dagdag-pasanin sa kanilang allowance ang mataas na singil sa pamasahe.

Ayon kay Cuntapay, madalas silang umuuwi nang alas-8 ng gabi dahil sa kanilang klase at duty schedule.

Sa ganitong oras umano nila nararanasan ang sobrang paniningil dahil kakaunti na lamang ang kanilang masakyan.

--Ads--

Dahil dito, napipilitan na lamang silang magbayad ng ₱90 para sa biyahe na halos isang kilometro lamang ang layo.

Samantala, agad namang inilapit ang reklamo sa isinagawang mobile session ng Sangguniang Panlungsod ngayong Martes, kung saan nangako si Vice Mayor Benjamin Dy, presiding officer ng konseho, na magsasagawa ng masusing monitoring sa mga tricycle driver.

Aatasan din umano ang mga kinauukulang tanggapan ng lokal na pamahalaan na imbestigahan at aksiyunan ang mga reklamo hinggil sa umano’y sobrang paniningil sa mga estudyante.