--Ads--

Nailigtas na ang dalawang dating household staff ni Vice President Sara Duterte matapos umanong makatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay at piliting lumagda sa mga affidavit na naglalaman umano ng mga maling paratang laban sa Bise Presidente.

Sa pahayag ni Vice Presidential Spokesperson Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., kinumpirma nito ang naunang abiso noong Nobyembre 17 hinggil sa paghingi ng tulong ng isa sa mga dating tauhan ng Bise Presidente.

Ayon kay Panelo, batay sa salaysay ng dalawa, noong Oktubre ay kinuha sila ng isang pribadong indibidwal upang magtrabaho sa isang resort sa Boracay. Dinala umano sila sa Maynila sa ilalim ng dahilan na sasailalim sila sa training para sa kanilang mga trabaho.

Ngunit noong Nobyembre 16, sinabi umano ng kanilang employer na may banta sa kanilang buhay, gayundin sa buhay nito dahil kinakanlong umano sila.

--Ads--

Sinabi rin umano ng employer na mawawala ang mga banta kung pipirma sila sa mga affidavit na ipinakita sa kanila. Gayunman, tumanggi umano ang dalawa dahil naglalaman ang mga ito ng mga maling alegasyon laban kay Duterte.

Nang araw ding iyon, humingi ng tulong ang isa sa kanila sa Bise Presidente upang makaalis sa kanilang sitwasyon at matiyak ang kanilang kaligtasan.

Nilinaw naman ni Panelo na hindi sila aktuwal na ikinulong, subalit natakot umano silang umalis sa kustodiya ng kanilang employer dahil sa sinasabing banta sa kanilang buhay.

Noong Nobyembre 17, sinundo sila ng legal team ng Bise Presidente sa tulong ng pulisya at dinala sa isang himpilan ng pulisya, kung saan nagsagawa sila ng mga affidavit at nagpa-blotter kaugnay ng insidente.

Ayon kay Panelo, napigilan na umano ang planong gamitin ang dalawa upang magbigay ng maling testimonya laban sa Bise Presidente.

Hindi na muna nagbigay ng karagdagang detalye ang kampo ni Duterte upang matiyak ang kaligtasan ng mga sangkot.