Nailigtas na ang dalawang dating household staff ni Vice President Sara Duterte matapos umanong pagbantaan ang kanilang buhay at piliting lumagda sa mga affidavit na naglalaman umano ng maling alegasyon laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Vice Presidential Spokesperson Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., kinuha umano ang dalawa noong Oktubre para magtrabaho sa isang resort sa Boracay ngunit dinala sa Maynila sa ilalim ng dahilan na sasailalim sa training.
Noong Nobyembre 16, sinabi umano ng kanilang employer na may banta sa kanilang buhay at mawawala lamang ito kung pipirma sila sa mga affidavit. Tumanggi ang dalawa dahil umano sa mga maling paratang laban kay Duterte.
Humingi ng tulong ang isa sa Bise Presidente at kinabukasan ay sinundo sila ng legal team ni Duterte, katuwang ang pulisya, at dinala sa himpilan kung saan nagsagawa ng affidavit at nagpa-blotter.
Nilinaw ni Panelo na hindi umano sila aktuwal na ikinulong ngunit natakot umalis dahil sa banta. Ayon sa kanya, napigilan ang umano’y planong gamitin ang dalawa para magbigay ng testimonya laban sa Bise Presidente.











