Pormal nang tinanggap ang National Parliament of Timor-Leste bilang ika-11 member parliament ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Kinumpirma ito ni House Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ng South Cotabato, head ng Philippine delegation to AIPA, sa pagbubukas ng 47th General Assembly ng samahan nitong Miyerkules.
Ayon kay Hernandez, inaasahang mapapadali ng pagiging miyembro ng Timor-Leste ang pakikipag-ugnayan nito sa iba pang ASEAN member countries, partikular sa larangan ng trade at economic assistance.
Aniya, makatutulong ang pagiging bahagi nito ng AIPA upang mas mapalawak ang access ng Timor-Leste sa regional cooperation at suporta ng mga karatig-bansa tungo sa mas matatag na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na malugod na tinatanggap ng ASEAN ang Timor-Leste at handa itong makibahagi sa mga oportunidad at suportang iniaalok ng samahan.
Matatandaang naging ika-11 member state ng ASEAN ang Timor-Leste noong nakaraang taon, matapos makamit ang independence noong 2002 kasunod ng ilang dekadang pakikibaka laban sa pananakop ng Indonesia.
Kaugnay nito, inihayag din ni Hernandez na inimbitahan ang Myanmar sa naturang assembly bilang guest lamang, alinsunod sa posisyon ng ASEAN sa nagpapatuloy na sitwasyon sa nasabing bansa.
Paliwanag niya, hindi naaayon sa mga prinsipyo ng ASEAN ang pag-agaw ng kapangyarihan ng military junta sa Myanmar noong Pebrero 2021.
Dahil dito, non-political representatives lamang ang pinahihintulutang lumahok sa mga pagpupulong ng ASEAN bilang kinatawan ng Myanmar.
Dinaluhan naman ng 100 delegates mula sa AIPA member countries at 99 delegates mula sa observer countries ang naturang General Assembly.











