Dumating na sa Shenzhen Bao’an International Airport sa China sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 18, para dumalo sa 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting.
Agad na dumalo ang Pangulo sa isang gala dinner na susundan ng mga aktibidad at pagpupulong sa susunod na dalawang araw.
Kabilang sa nakatakdang aktibidad ni Marcos ngayong Huwebes ang bilateral meetings kasama ang mga lider ng Peru, Papua New Guinea at Chile upang talakayin ang mga usaping may kinalaman sa ekonomiya at kalakalan.
Ayon kay Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz, mahalagang makibahagi ang Pilipinas sa naturang pagpupulong dahil ang mga desisyong ginagawa ng mga lider ng APEC member economies ay maaaring magkaroon ng epekto sa pandaigdigang polisiya, negosyo, presyo at suplay ng mga produkto.
Posible rin umanong talakayin sa mga bilateral meeting ang usapin sa tariffs o buwis sa mga inaangkat at iniluluwas na produkto, lalo’t kabilang sa mga kalahok ang ilan sa pinakamalalaking ekonomiya sa mundo.
Layunin ng APEC Leaders’ Meeting na palakasin ang regional economic cooperation at pagtutulungan ng mga kasaping ekonomiya sa Asia-Pacific region.











