--Ads--

Naging maayos at mapayapa ang isinagawang Anti-Pax Silica peaceful protest ng mga estudyante at miyembro ng komunidad ng Philippine Normal University North Luzon (PNUNL) sa Alicia, Isabela nitong Nobyembre 18.

Isinagawa ang protesta upang igiit ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga katutubo, partikular ang mga posibleng maapektuhan ng pagtatatag ng Pax Silica.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Chief of Police ng Alicia Police Station, sinabi nitong tumagal lamang nang humigit-kumulang sampung minuto ang rally bago nag-disperse ang mga lumahok.

Ayon kay PMaj. Mallillin, hindi na pumasok ang mga pulis sa loob ng unibersidad dahil may bilin umano ang pamunuan ng paaralan na ang mga estudyante lamang ang manatili sa loob ng campus.

--Ads--

Aniya, layunina lamang sana ng pagpasok ng kanilang kinatawan ay upang alamin kung may kaukulang permit ang aktibidad.

Gayunman, hindi na ito itinuloy matapos ipakita ng kinatawan ng mga nag-rally ang permit na inaprubahan ng pamunuan ng unibersidad.

Samantala, nilinaw ni PMaj. Rey Sales, Provincial Officer ng Isabela Provincial Highway Patrol Group, ang umano’y pananakot at pangha-harass sa mga estudyanteng lumahok sa rally, batay sa isang post sa social media na nagsasabing namataan ang mga pulis sa labas ng PNUNL.

Ayon kay PMaj. Sales, walang masamang intensyon ang kanilang presensya sa labas ng paaralan at bahagi lamang ito ng direktiba na bantayan ang mga posibleng kilos-protesta kaugnay ng nagpapatuloy na ASEAN Summit.

Aniya, nakipag-ugnayan lamang ang kanilang mga tauhan sa mga opisyal ng paaralan upang matiyak ang seguridad ng mga estudyante at publiko, gayundin ang maayos na daloy ng trapiko sakaling lumabas ang mga raliyista sa lansangan.

Binigyang-diin ng Hepe na hindi layunin ng Highway Patrol Group na pigilan ang pagsasagawa ng rally, kundi tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at ng mga motorista.