--Ads--

Nagiging maingat muna sa pagbili ng mga farm inputs ang ilang magsasaka sa Isabela dahil sa kakulangan ng ulan at pangamba sa posibleng epekto ng El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Sol Usbal, sales clerk ng isang tindahan ng agricultural supplies sa Alicia, Isabela, sinabi nitong kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga magsasakang bumibili ng mga binhi, abono at iba pang produktong pangsakahan.

Ayon sa kanya, mas pinipili muna ng ilan na magtipid at maghintay ng sapat na pag-ulan bago maglaan ng puhunan para sa panibagong cropping season.

Nadagdagan din aniya ang pag-iingat ng mga magsasaka matapos makaranas ng pagkalugi noong nakaraang taniman dahil sa matinding pag-ulan na sumira sa kanilang mga pananim.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Usbal na nananatiling halos hindi nagbabago ang presyo ng kanilang mga paninda sa kabila ng paghina ng bentahan.

Umaabot sa ₱5,500 ang pinakamahal na variant ng binhi ng mais, habang ₱2,250 naman ang pinakamahal na variant ng abono.

May ilang agricultural chemicals ding nagkakahalaga ng ₱850 hanggang ₱1,130, habang ang ilang binhi ng palay ay nagkakahalaga ng ₱1,250 kada tatlong kilo.

Gayunman, isinasaalang-alang pa rin nila ang presyo ng gasolina, transportasyon at iba pang gastusin sa pagkuha ng kanilang supply.

Dahil matumal ang bentahan, nililimitahan na rin nila ang pag-order ng panibagong supply upang maiwasan ang sobrang imbentaryo at karagdagang pagkalugi.