--Ads--

Tinukoy mismo ng testigo ng defense team sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na may mga kahina-hinalang indikasyon sa mga financial transaction ng Cale 88 Foods Corporation, na iniuugnay sa asawa ng bise presidente na si Atty. Mans Carpio.

Sa pagdinig, tinanong ni Senator Risa Hontiveros si Atty. Rainer Dela Fuente, dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat, hinggil sa ulat ng AMLC na nakapagtala ng P776.64 million na pumasok sa Cale 88, kung saan P319.33 million ay nagmula sa Mainland China at Hong Kong.

Nabatid din sa ulat na dalawa lamang ang nakatalang empleyado ng kumpanya, kahit umaabot sa mahigit P208 million ang sales nito batay sa records ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Bukod dito, naitala rin ang 757 covered at suspicious transaction reports na may kabuuang halaga na P1.2 billion.

--Ads--

Nang usisain ni Hontiveros kung maituturing na red flags ang mga naturang transaksiyon, sumang-ayon si Dela Fuente. Gayunman, nilinaw niyang hindi pa ito sapat na patunay na may naganap na ilegal na aktibidad.

Binigyang-diin ng testigo na kailangan pang sumailalim sa karagdagang pagsusuri at beripikasyon ang mga transaksiyon upang matukoy kung may naganap na paglabag.