--Ads--

Sugatan ang apat na katao matapos magbanggaan ang isang tricycle at Mitsubishi Strada pick-up sa By-Pass Road, Barangay Rizal, Santiago City, bandang alas-4:15 ng madaling-araw ngayong Nobyembre 20, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang By-Pass Road patungo sa direksyon ng Santiago-Tuguegarao Road o city proper nang mangyari ang aksidente.

Minamaneho ang tricycle ng isang 17-anyos na tindero at residente ng Calao East, Santiago City, habang minamaneho naman ng isang 20-anyos na college student at residente ng Barangay Mabini ang pick-up.

Tatlo pang babae na edad 22 at 20 ang sakay ng pick-up.

--Ads--

Batay sa paunang salaysay ng pick-up driver, hindi umano niya napansin ang tricycle na nasa unahan nito habang binabagtas ang naturang kalsada.

Nang mapansin umano niya ang tricycle, malapit na ang distansiya ng kanilang mga sasakyan kaya hindi na niya naiwasan ang pagkakabangga.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang tricycle patungo sa kabilang lane habang bumaligtad naman ang pick-up.

Nagtamo ng minor injuries ang 17-anyos na tricycle driver, habang sugatan din ang tatlong sakay ng pick-up.

Sa ngayon, patuloy na nagpapagaling sa ospital ang mga nasugatan.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng aksidente, kabilang ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng banggaan.