Posibleng hindi makasama sa mga benepisyaryo ng pinag-aaralang tax relief sa Cauayan City ang mga taxpayer na may hindi pa nababayarang obligasyon sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay City Councilor Bagnus Maximo Jr., batay sa kaniyang paunang pag-unawa sa panukalang ordinansa, kailangang updated sa kanilang lokal na bayarin ang mga taxpayer upang maging kwalipikado sa tax relief.
Layunin ng panukala na magbigay ng pansamantalang tax relief, waiver sa penalties at surcharges, at pagpapalawig sa payment deadlines para sa mga kwalipikadong taxpayer at negosyo na naapektuhan ng deklarasyon ng State of Calamity sa lungsod.
Gayunman, hindi pa natutukoy ang halaga ng tax relief at ang eksaktong kwalipikasyon ng mga benepisyaryo.
Inaasahang tatalakayin pa ng Sangguniang Panlungsod ang mga detalye ng panukala bago magkaroon ng pinal na desisyon.











