Nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Safety and Security Committee ng Isabela ngayong araw, Biyernes, November 20, sa Isabela Convention Center sa lungsod ng Cauayan.
Ito ay bilang paghahanda sa gaganaping Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions for Sustainable Tourism and Creative Industries Development sa lalawigan ng Isabela na nakatakdang isagawa sa November 25 hanggang 26.
Pinangunahan ang pagpupulong ni Public Order Safety Officer Kim Patrick Agbayani at dinaluhan ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang PSO Isabela, Provincial Security Group, DART Rescue 831 Provincial, Isabela Police Provincial Office, Cauayan City Police Station, POSD Cauayan, Bureau of Fire Protection at Isabela Provincial Health Office.
Sa nasabing pulong, inilahad ng bawat ahensya ang kani-kanilang security plan upang matukoy ang mga itatalagang lugar at responsibilidad ng bawat grupo sa loob at labas ng venue.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Officer Kim Patrick Agbayani, binigyang-diin nito na layunin ng pagpupulong na maihanda ang bawat tauhan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng buong aktibidad.
Matapos ang pagpupulong, personal ding ininspeksyon ng grupo ang loob at labas ng Isabela Convention Center o ICON upang matukoy ang mga lugar na magiging puwesto ng mga itatalagang security personnel.










