--Ads--

‎Itinampok sa 19th National Corn Congress na ginanap sa Ilagan City ang mga bagong teknolohiya at pamamaraan na maaaring gamitin ng mga corn farmer upang makaangkop sa epekto ng climate change.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City of Ilagan Agriculture Officer Moises Alamo, sinabi nito na kabilang sa mga ipinakilalang teknolohiya ang mga bagong varieties ng mais, partikular ang mga early-maturing varieties na maaaring makatulong na mabawasan ang exposure ng pananim sa mga kalamidad at pabago-bagong kondisyon ng panahon.

‎Binigyang-diin ni Alamo na mahalaga para sa mga magsasaka ang pag-a-adjust ng kanilang cropping pattern at pagpili ng mga pananim na mas maikli ang duration upang mabawasan ang posibilidad na tamaan ng matinding tagtuyot o iba pang kalamidad bago pa man makapag-ani.

‎Isa rin sa mga ibinahaging programa ng Ilagan City ang paggamit sa drought-affected corn bilang corn silage.

--Ads--

‎Sa halip na tuluyang masayang ang mga tanim na mais na hindi na nakapag-develop ng grains dahil sa tagtuyot, nakikipagtulungan ang city government sa private sector upang ma-convert ang mga ito bilang silage na maaaring ipakain sa dairy animals.

‎Ayon kay Alamo, makatutulong ang ganitong hakbang upang mapakinabangan pa rin ang bahagi ng pananim at mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka sa kanilang ginastos sa produksyon.

‎Dinaluhan ang National Corn Congress ng mga corn farmer mula sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B at 5, gayundin mula sa Cordillera Administrative Region.

‎Unang pagkakataon naman na napili ang Ilagan City bilang venue ng taunang National Corn Congress, na ayon kay Alamo ay mahalagang pagkakataon upang maibahagi rin sa mga magsasaka mula sa ibang lugar ang mga inisyatibo ng lungsod para sa corn industry.

‎‎‎