--Ads--

Nagbabala ang isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City laban sa iba’t ibang uri ng panloloko at pananamantala na maaaring mabiktima ng mga senior citizen.

Kabilang sa mga posibleng modus ang pagpapanggap bilang kinatawan ng ahensya ng pamahalaan upang manghingi ng pera o personal na impormasyon, paniningil ng mga hindi awtorisadong kolektor para sa pagproseso ng kanilang benepisyo, at paggamit sa kanilang pagkakakilanlan upang makakuha ng pera nang walang pahintulot.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga nakatatanda na maging mapanuri at huwag basta magtiwala sa mga hindi kilalang indibidwal, lalo na kung hinihingan ng pera, password at iba pang sensitibong impormasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega, iginiit nito na hindi kinukunsinti ng lokal na pamahalaan ang anumang uri ng pananamantala sa mga senior citizen.

--Ads--

Tiniyak din nito na mahigpit na minomonitor ng pamahalaang lungsod ang mga ganitong gawain at may kaukulang problemang haharapin ang sinumang mapatutunayang nagsasamantala sa mga nakatatanda.

Nanawagan naman si Arcega sa mga senior citizen na agad ipagbigay-alam sa kinauukulan o sa kapulisan ang anumang kahina-hinalang transaksyon upang maiwasang mabiktima ng panloloko.