--Ads--

Nasawi ang isang 19-anyos na estudyante matapos mabangga ng isang ten-wheeler dump truck ang minamaneho niyang motorsiklo at pumailalim ito sa naturang sasakyan sa National Highway, Barangay Baliling, Santa Fe, Nueva Vizcaya, bandang alas-10 ng umaga nitong Biyernes, Nobyembre 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Gilberto Tampoya, Deputy Chief of Police ng Santa Fe Police Station, parehong patungong northbound ang motorsiklo ng biktima at ang dump truck nang mag-overtake ang huli sa isang mabagal na trailer.

Matapos makalampas sa trailer, kumabig umano pakanan ang dump truck upang pumasok sa Old Road ngunit hindi nito napansin ang motorsiklo na nasa outer lane dahilan upang mabangga ito at pumailalim sa naturang truck.

Dahil dito, nagtamo ng malubhang pinsala ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkasawi.

--Ads--

Ayon pa kay Tampoya, inamin umano ng driver ng dump truck na hindi niya napansin ang motorsiklo habang isinasagawa ang pagliko. Dapat umano nitong tiniyak muna na walang paparating na sasakyan sa outer lane bago pumasok sa Old Road.

Samantala, nakausap na ng pulisya ang lola ng biktima na nagpahayag na maaari silang makipag-areglo kung mababayaran ang mga gastusin ng pamilya. Gayunman, wala pang pinal na desisyon hinggil dito dahil hinihintay pa ang ina ng biktima na manggagaling sa Cebu.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Samantala, pinaalalahanan ni Tampoya ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, partikular sa mga paliko at zigzag na bahagi ng kalsada sa Santa Fe, kabilang ang Dalton Pass.

Pinayuhan din ang mga driver na gumamit ng signal lights bago lumipat ng linya o lumiko, tiyaking ligtas ang daraanan at magpahinga muna kung nakakaramdam ng pagod upang maiwasan ang kaparehong aksidente.