Binigyang-diin ng House prosecution ang umano’y hindi pagtutugma ng mga pahayag ng mga testigo at ng mga deklarasyon ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), kaugnay ng impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, sa halip na mapahina ang kaso ng prosekusyon, nakatulong pa umano ang ilang testimonya ng mga testigo ng depensa upang patibayin ang mga alegasyon hinggil sa hindi idineklarang yaman at business interests ng bise presidente.
Isa sa mga tinukoy ni Chua ang testimonya ng in-house counsel ng GenCorp Industries Inc. na si Atty. Suzette Balucanag-Punay, na una umanong nagsabing walang bahagi si Duterte sa pagmamay-ari at operasyon ng kompanya.
Gayunman, inamin din umano ni Balucanag-Punay na tumanggap ng pera ang bise presidente mula sa GenCorp bilang bahagi ng tinawag nitong “loose investment.”
Itinuro rin ni Chua na idineklara ni Duterte sa kanyang mga SALN na isa siyang stockholder ng GenCorp, bagama’t hindi naman umano nakatala ang pangalan nito bilang shareholder sa General Information Sheet ng kompanya.
Ayon pa sa mambabatas, matutunton din sa mga naunang SALN ni Duterte ang mga dating pangalan ng GenCorp, kabilang ang Davao Bounty Times Food Corp., Great Jolly Times Food Corp. at Times Square Bee Food Corp.
Samantala, nilinaw ni Chua na hindi ang legal na pagpaparehistro ng CALE88 Foods Corp., isang kompanyang gumagawa ng banana chips na iniuugnay sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, ang kinukuwestiyon ng prosekusyon.
Sa halip, ang nais aniyang matukoy ay kung idineklara ni Duterte sa kanyang SALN ang kinita mula sa naturang negosyo.
Iginiit din ng prosekusyon na nakipagtransaksyon ang GenCorp sa pamahalaang lungsod ng Davao na pinamumunuan ni Mayor Sebastian Duterte, kapatid ng bise presidente.
Ayon sa mga prosecutor, kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y paglabag sa pagbabawal ng Konstitusyon sa pangulo at pangalawang pangulo na magkaroon ng business interests habang nanunungkulan.
Samantala, sinabi ni Chua na wala pa umanong naihaharap na matibay na ebidensya ang depensa upang pabulaanan ang mga alegasyon ng prosekusyon.











