--Ads--

Arestado ang tatlong Vietnamese nationals dahil sa umano’y pagsasagawa ng mga medical procedure nang walang lisensya sa Barangay Merville, Parañaque City nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), naaresto ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na “Dr. Wang,” 31 anyos; “Dr. Cong,” 31 anyos; at “Dr. Fing,” 29 anyos, matapos magpanggap na pasyente ang isang tauhan ng CIDG.

Batay sa imbestigasyon, matagal nang nasa ilalim ng police surveillance ang tatlo kasunod ng reklamo ng isang concerned citizen kaugnay ng umano’y panggagamot at pagsasagawa nila ng mga operasyon nang walang kaukulang lisensya o legal na awtoridad.

Nakipag-ugnayan din ang kapulisan sa Professional Regulation Commission (PRC), kung saan napag-alamang walang board o commission resolution ang mga suspek na nagpapahintulot sa kanila na magsagawa ng mga medical procedure sa bansa.

--Ads--

Narekober sa operasyon ang 13 uri ng ebidensiya, kabilang ang entrapment money, stainless-steel plate, surgical instruments, surgical laser machine, electric suction apparatus, medical headlight, surgical threads, iba’t ibang uri ng syringe at karayom, anesthesia, surgical blades, surgical cotton at ilang cellphone.

Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Republic Act 2382 o Medical Act of 1959, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Samantala, iginiit ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kahalagahan ng pagsunod sa mga propesyonal na pamantayan upang maprotektahan ang publiko.

Binigyang-diin ng opisyal na pananagutin ng kapulisan ang sinumang nagsasamantala sa tiwala ng publiko at naglalagay sa panganib sa buhay ng ibang tao.