Patuloy na binabantayan ng NIA-MARIIS ang lebel ng tubig sa Magat Dam at naghahanda sa posibleng karagdagang pagbaba nito dahil nananatiling kaunti ang pag-ulan sa watershed area, sa kabila ng mga pag-ulang nararanasan sa ilang bahagi ng Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi nitong hindi sapat ang naitatalang pag-ulan sa Magat watershed upang mapataas ang lebel ng tubig sa reservoir.
Ipinaliwanag ni Ablan na batay sa mga pagtataya ng PAGASA, mas inaasahang uulan sa bahagi ng Sierra Madre, habang kaunti o halos walang pag-ulan sa Magat watershed. Dahil dito, pinag-aaralan ng NIA-MARIIS ang pagbabawas sa Irrigation Diversion Requirement o IDR upang mapangasiwaan ang suplay ng tubig.
Bagama’t may mga pag-ulan sa ilang service area na nakatutulong sa mga sakahan, pinayuhan pa rin ng ahensya ang mga magsasaka na magtipid sa paggamit ng tubig at gumamit ng alternatibong paraan ng patubig kung kinakailangan.
Matatandaang nasa 78,300 ektarya ang naka-program na mapatubigan ng NIA-MARIIS, habang halos 90,000 ektarya na ang naaabot ng patubig, kabilang ang mga sakahang nakikinabang sa tubig-ulan.
Pinayuhan din ni Ablan ang mga magsasakang magtatanim pa lamang na gumamit ng mga early-maturing variety upang mas maagang maani ang kanilang mga pananim at maiwasang maapektuhan sakaling bumaba sa kritikal na lebel ang tubig sa reservoir.










