Nagbanggaan ang dalawang motorsiklo sa bahagi ng intersection ng Barangay District 3, Cauayan City, dakong alas-7:00 ng umaga ngayong Sabado, Nobyembre 28, 2026.
Batay sa paunang impormasyon, kapwa patungo sa kanilang trabaho ang mga motorista nang mangyari ang aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas David, isang car wash attendant at residente ng Barangay Santa Luciana, Cauayan City, sinabi nitong binabaybay niya ang Rizal Avenue patungong Quezon Avenue nang mangyari ang insidente.
Ayon kay David, bumusina siya habang papalapit sa intersection, subalit mabilis umano ang takbo ng kabilang motorsiklo kaya hindi na niya naiwasan ang banggaan.
Samantala, pinabulaanan naman ng kabilang panig ang naging pahayag ni David.
Ayon naman kay alyas Jake, angkas ng ikalawang motorsiklo, hindi umano nagmenor si David bago pumasok sa intersection kaya hindi na nila naiwasan ang banggaan.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng mga pinsala ang driver ng ikalawang motorsiklo.
Kapwa naman nagtamo ng pinsala ang dalawang motorsiklo dahil sa insidente.
Patuloy pang inaalam ng kapulisan ang buong pangyayari, kabilang ang sanhi ng aksidente at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot.











