--Ads--

Iminungkahi ng isang grupo ng public transport sa bansa na rebisahin ng Department of Energy (DOE) ang sistema nito sa pag-aanunsyo ng oil price adjustments kasunod ng maraming ulat ng mga gasolinahang hindi sumusunod sa itinakdang pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo.

Matatandaang nasa 259 na gasolinahan sa bansa ang nabigyan ng show cause order (SCO) at posibleng mawalan ng Certificate of Compliance (COC) dahil sa kabiguang ipatupad ang inanunsyong fuel price rollback.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), sinabi niyang dahil sa dami ng mga gasolinahang hindi sumusunod, nararapat lamang na gumawa ng hakbang ang DOE upang mapabuti ang sistema ng pag-aanunsyo ng oil price adjustments.

Aniya, magkaiba ang sistema ng monitoring ng ahensya sa international at local markets kaya nagkakaroon ng kalituhan sa pagtukoy sa nararapat na pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo.

--Ads--

Isa rin sa mga napuna ni Lim ang mabagal na pagpapatupad ng price rollback ng ilang gasolinahan, samantalang mabilis naman ang kanilang pagtataas ng presyo kapag may oil price hike.

Dahil dito, iginiit niyang hindi lamang dapat maglabas ng show cause orders ang DOE laban sa mga lumalabag, kundi tiyakin din ang pagsubaybay at pagbibigay ng update sa mga kasong isinampa laban sa mga naturang gasolinahan.

Ayon kay Lim, ang kawalan ng malinaw na aksyon at kasunod na impormasyon hinggil sa mga nabigyan ng SCO ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na nagdududa ang publiko sa sistema ng DOE.