Mahigit 40 tricycle driver sa Santiago City ang inireklamo dahil sa umano’y paniningil ng sobrang pamasahe at hindi maayos na pakikitungo sa mga pasahero sa nakalipas na dalawang buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., sinabi nitong nasa limang driver kada linggo ang ipinapatawag sa pagdinig ng TODA Regulating Unit, habang nasa 20 reklamo naman ang naitala ngayong buwan.
Apat na pagdinig na ang isinagawa ng tanggapan upang dinggin ang mga reklamong isinumite ng mga pasahero sa pamamagitan ng Kaisaka App. Isinasagawa ito tuwing Huwebes upang mabigyan din ng pagkakataong magpaliwanag ang mga inirereklamong driver.
Ayon kay Aggabao, sa unang paglabag ay bibigyan ng babala ang driver at sasailalim sa pagdinig. Sa ikalawang paglabag, maaari na itong patawan ng multa at iba pang administrative sanctions.
Sa ikatlong paglabag naman, maaari nang kanselahin o bawiin ang prangkisa ng tricycle unit, na magiging dahilan upang hindi na makapag-apply muli ng prangkisa ang may-ari nito.
Nilinaw din niya na may espesyal na patakaran sa mga tricycle na nakapila sa loob ng poblacion. Kapag iisang pasahero lamang ang sasakay, kailangan nitong magbayad ng katumbas ng pamasahe para sa dalawang pasahero.
Batay sa bagong taripa, P20 ang pamasahe para sa mga estudyante habang P25 naman para sa regular na pasahero, bukod pa ang diskuwento para sa senior citizens.
May karagdagang P2 din na pamasahe sa bawat biyahe kapag lumampas sa itinakdang dalawang kilometrong base distance.











