--Ads--

Naglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Marawi City laban kay abogado Levito “Levi” Baligod at 18 iba pa kaugnay ng kasong cyber libel na isinampa ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong.

Nilagdaan ni Judge Samina Sampaco Macabando-Usman ng Regional Trial Court Branch 8 ang arrest warrant noong Nobyembre 26, 2026 laban kay Baligod at sa 18 iba pang respondent na sinasabing mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Nakatakda sa ₱30,000 ang piyansa sa bawat bilang ng kaso para sa bawat respondent. Nahaharap ang mga ito sa kasong cyber libel sa ilalim ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ng 18 indibidwal na iniharap ni Baligod, na nagpakilalang mga dating “bagman” umano na naghahatid ng mga maleta ng pera mula kay Co patungo sa ilang mambabatas.

--Ads--

Kabilang sa mga pinangalanan umano sa naturang alegasyon si Adiong, na naghain ng reklamong cyber libel laban sa mga respondent at humihingi ng ₱25 milyong danyos.

Itinanggi naman ng kongresista ang mga paratang at iginiit na hindi niya kailanman nakilala ang mga indibidwal na nag-akusa sa kaniya at wala rin siyang tinanggap na pera mula sa mga ito.

Inilarawan ni Adiong bilang mga gawa-gawa lamang ang mga alegasyon laban sa kaniya.