Nilooban ng isang hindi pa nakikilalang suspek ang isang tindahan at tinutukan ng baril ang may-ari nito habang nagpapasuso ng kaniyang sanggol sa Barangay Antonino, Alicia, Isabela.
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa biktimang si Ginang Reina Lyn Jade Aling, naganap ang insidente bandang alas-12:30 ng madaling araw nitong Nobyembre.
Ayon sa biktima, kasalukuyan niyang pinapasuso ang kaniyang sanggol sa loob ng kanilang silid nang biglang pumasok ang suspek at tutukan siya ng baril.
Hindi na siya nakapanlaban dahil silang dalawa lamang ng kaniyang anak ang naroroon sa tindahan nang mga oras na iyon.
Sinamantala ng suspek ang pagkakataon at tinangay ang mahigit walong libong pisong kita ng tindahan.
Dagdag pa ng biktima, walang takip sa mukha ang suspek kaya malinaw niyang nakita ang hitsura nito. Gayunman, hindi niya ito nakilala at hindi rin umano pamilyar sa kanilang lugar.
Hinala ni Ginang Reina Lyn, matagal na siyang minamanmanan ng suspek dahil karaniwang bukas ang kaniyang tindahan hanggang madaling araw.
Bukod sa pera, tinangay rin ng suspek ang ilan sa kaniyang mga identification card o ID. Kalaunan, natagpuan ang mga ito na itinapon sa tapat ng isang pribadong lugar na malayo sa pinangyarihan ng krimen.
Agad namang nakipag-ugnayan ang biktima sa pulisya upang iulat ang insidente. Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek, bagama’t nahihirapan umano ang imbestigasyon dahil walang CCTV camera sa naturang lugar.
Samantala, nakapagtala rin umano ng panibagong insidente ng panghoholdap sa kaparehong barangay ngayong linggo, na nagdulot ng pangamba sa mga nagtitinda roon.Dahil dito, naghigpit na sa seguridad ang ilang residente at negosyante. Nagdagdag na rin ng mga kandado si Ginang Reina Lyn at nilimitahan ang oras ng pagbubukas ng kaniyang tindahan upang matiyak ang kaligtasan nila ng kaniyang anak.











