Posibleng naimpluwensiyahan ng isang umano’y “adult groomer” ang dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, ayon kay Senador Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado ngayong Miyerkules.
Ayon kay Hontiveros, natukoy ng kaniyang tanggapan ang komunikasyon sa pagitan ng dummy account ni alias “Nash” na “Date Larping” at isang account na gumagamit ng pangalang “Sedykh Ryazanov,” na pinaghihinalaang nasa likod ng pag-groom sa mga bata. Ipinakita rin sa pagdinig ang mensahe kung saan hinihikayat umano si Nash na burahin ang ilang online platforms upang walang maiwang ebidensya.
Sinabi ng senador na may mga indikasyong naganap ang grooming sa pamamagitan ng mga online video game at posibleng konektado ito sa mga network ng nihilistic violent extremism (NVE) na gumagamit umano ng mga laro bilang paraan ng pagrerekrut sa mga kabataan.
Binanggit din ni Hontiveros ang posibleng impluwensya ng grupong “764,” na ayon sa mga ulat ay naghahanap ng mga mahihinang menor de edad online at hinihikayat ang mga ito na gumawa ng marahas at mapanganib na mga gawain.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lawak ng posibleng online radicalization at iba pang salik na maaaring nakaimpluwensya sa mga suspek sa insidente.











