Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lahat ng Pilipino na magkaisa sa usapin ng West Philippine Sea, kasunod ng mga naging pahayag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte laban kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang usapin ng West Philippine Sea ay hindi dapat maging isyung pampulitika, kundi isang adhikaing nagbubuklod sa lahat ng mamamayang Pilipino anuman ang kanilang paniniwala, relihiyon, rehiyon, o wika.
Samantala, ipinahayag din ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang suporta ng militar kay Teodoro. Aniya, tungkulin ng lahat ng halal at itinalagang opisyal ng pamahalaan na ipagtanggol ang Konstitusyon, pambansang soberanya, at mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ng AFP ay kasunod ng Facebook post ni Rep. Duterte na inakusahan si Teodoro ng “demonizing China” matapos sabihin ng kalihim ng Tanggulan na dapat pag-isipan ng mga opisyal ng gobyerno na sumusuporta sa posisyon ng Beijing sa West Philippine Sea ang kanilang pananatili sa puwesto.











