Nasagip ang 18 sakay ng isang motorbanka matapos itong pasukin ng tubig habang naglalayag patungong Calayan, Cagayan mula Claveria nitong Sabado ng hapon.
Sa inisyal na ulat, nagmula sa bayan ng Claveria ang MB Geri An nang makasalubong nito ang malalakas na alon sa bahagi ng dagat malapit sa Calayan. Dahil sa lakas ng hampas ng alon, unti-unting napasok ng tubig ang bangka na nagdulot ng pangamba sa mga pasahero at tripulante.
Dahil sa sitwasyon, agad na nakipag-ugnayan ang mga sakay sa mga awtoridad upang humingi ng saklolo. Kaagad namang nagsagawa ng rescue operation ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police sa Calayan upang matiyak ang kaligtasan ng mga biktima.
Bandang alas-2 ng hapon nang matagumpay na marespondehan ang insidente at maihatid sa ligtas na lugar ang lahat ng sakay. Naibalik rin sa pantalan sa Barangay Magsidel ang naturang motorbanka matapos ang operasyon.
Wala namang naitalang sugatan o nasawi sa pangyayari.
Samantala, patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang isang bag na naiulat na nawala habang nagaganap ang insidente. Naglalaman umano ito ng mahahalagang dokumento kaya hinihikayat ang sinumang makakita nito na agad makipag-ugnayan sa Calayan Police Station.











