Nababahala ang mga residente sa posibleng epekto sa kanilang kabuhayan matapos maitala ang malawakang oil spill sa karagatan ng Barangay Digumased sa Dinapigue, Isabela nitong Martes, Agosto 25.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jeffrey Delfin Mendoza, residente ng Dinapigue, sinabi nitong maitim na ang tubig sa bahagi ng karagatan na apektado ng oil spill, bagama’t hindi pa matukoy sa ngayon ang eksaktong lawak nito.
Ayon kay Mendoza, nakakapalaot pa naman ang mga mangingisda dahil may partikular lamang na bahagi ng karagatan ang apektado.
Wala pa rin umanong naitatalang fish kill sa lugar.
Gayunman, malaking pangamba ang insidente para sa mga residente dahil pangingisda ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng karamihan sa lugar.
Paliwanag ni Mendoza, maaaring malagay sa panganib ang mga isda dahil nakalalason ang langis, na maaari ring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Samantala, hindi pa tukoy kung saan nagmumula ang tumagas na langis. May mga barkong ginagamit umano sa operasyon ng pagmimina na malapit sa lugar, ngunit wala pang katiyakan kung may kaugnayan ang mga ito sa insidente.
Panawagan naman ni Mendoza sa sinumang responsable sa oil spill na panagutan at agad na tugunan ang insidente upang maiwasan ang pangmatagalang epekto nito sa kabuhayan ng mga taga-Dinapigue.











