--Ads--

Nanawagan ang Anti-Illegal Criminal Task Force (AICTF) ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga kabataan upang maiwasan ang kanilang pagkakasangkot sa mga insidente ng pamamaril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ysmael Atienza Sr., AICTF Chairman at Isabela Police Provincial Office (IPPO) Adviser, sinabi nitong nakababahala ang pagkakasangkot ng ilang kabataan sa mga shooting incident, lalo na at may ilan umanong bata pa lamang ay marunong nang humawak ng baril.

Ayon kay Atienza, maaaring may kaugnayan dito ang impluwensiya ng mga palabas at pelikulang nagtatampok ng barilan at iba pang uri ng krimen.

Dahil dito, iminungkahi niyang higpitan ang pagpapalabas ng mga programang may mga eksenang may kaugnayan sa barilan at karahasan na maaaring gayahin ng mga bata dahil sa kanilang curiosity.

--Ads--

Kinuwestyon din ni Atienza ang ilang palabas na nagtatampok ng mga eksena ng pag-aaway at pamamaril.

Giit niya, mas mainam na mga programang pampamilya, masaya at may positibong mensahe ang mapanood ng mga kabataan upang hindi sila maimpluwensiyahan ng karahasan.

Sinabi rin ni Atienza na malaki na ang ipinagbago ng pananaw ng ilang kabataan sa baril.

Aniya, noon ay natatakot ang mga bata kapag nakakakita ng baril, ngunit dahil sa mga napapanood nila, tila nagiging pamilyar na sa ilan ang paggamit nito.

Samantala, nanawagan din si Atienza sa mga opisyal ng barangay at mga alkalde na makipagtulungan sa mga awtoridad upang matukoy ang mga indibidwal na nagtatago o iligal na nag-iingat ng mga baril sa kanilang lugar.

Ayon sa kanya, mahalaga ang pakikipag-ugnayan at pagdaraos ng dayalogo sa mga komunidad upang maagapan ang mga posibleng insidente ng karahasan.

Iginiit din niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na security measures sa mga paaralan.

Aniya, dapat magkaroon ng mga lisensyadong security personnel sa mga paaralan bilang bahagi ng pagpapanatili ng seguridad, habang ang mga barangay tanod ay magsisilbi lamang bilang karagdagang puwersa.