Bumalik na sa Estados Unidos si Alex Eala upang simulan ang kanyang paghahanda para sa hard court season matapos ang isang linggong pananatili sa Maynila para sa iba’t ibang aktibidad, kabilang ang meet-and-greet events at pagbisita sa Malacañang.
Unang sasalihan ng Pinay tennis star ang Mubadala Open sa Washington, D.C. sa susunod na linggo, kung saan kabilang siya sa mga seeded players sa singles competition. Makikipagpares din siya kay dating Grand Slam champion Venus Williams sa doubles event.
Samantala, bumaba si Eala sa No. 29 sa pinakabagong WTA rankings kahit nanatili ang kanyang 1,666 puntos. Nalampasan siya ni Barbora Krejcikova ng Czech Republic matapos nitong magkampeon sa Athens Open.
Sa kabila nito, nananatiling nakatuon si Eala sa kanyang kampanya at sinabi nitong patuloy pa lamang ang kanyang paglalakbay sa professional tennis. Aniya, mas nais niyang harapin ang bawat laban nang paisa-isa kaysa magbigay ng anumang prediksiyon.











